About Me

My photo
student and at the same time eh service crew sa isang fastfood. naiinip minsan sa buhay pero enjoy pa rin gagawin ang gustong gawin para maging masaya. sira ulo pero minsan lang.

Monday, August 17, 2009

DEAR FRIEND



Dear Friend,

Magandang gabi Mavz and Jolens. Ako po si Minda at bago ang lahat nais ko pong ipaabot mula sa kaibuturan ng lumuluha kong puso ang aking taos pusong pasasalamat sa pagbuo at pagkonsepto ng isang programa na kakatawan sa hinaing at iyak ng damdamin ng bawat Pilipinong nagging masaya, maalungkot at miserable sa pag-ibig. Nais ko rin pong magpasalamat personally sa aking idol na ng matagal na panahon mula pa ng grade 1 ako na si Ate Jolens, na itinuring ko na pong kapatid, dahil sa pagbibigay nya sa amin ng kanyang mga pinaglumaang damit at tira-tirang pagkain. Ate Jolens, marami po talagang salamat sa iyong mabuting kalooban na sadyang kahanga-hanga. Hanggang kamatayan po ay tatanawin ko ang malaking utang na loob ko sa iyo, ate Jolens. Nalungkot po talaga ako nung naghiwalay ang loveteam nyo ni Kuya Marvin at lumipat na kayo ng istasyon dahil kung hindi nyo po naitatanong eh isa po akong certified na Kapamilya pero simula po nung lumipat na rin si Kuya Marvin ay hindi na rin po ako nagpaawat at talagang lagi ko na po kayong sinusubaybayan hindi po ako natutulog, naliligo o kumakain man lang hangga’t hindi ko kayo nakikita. Napapagalitan nap o talaga ako minsan ng aking nanay dahil ginaya ko ang ayos mo Ate Jolens nung kinumpilan ako. Nakakahiya man po Ate Jolens ay ginawa ko yun dahil sa matindi at walang hanggang pagmamahal at paghanga ko sa iyo bilang isang tao. Dadalhin ko po iyon hanggang sa aking kamatayan.

Nais ko lang po ikuwento ang naging love story naming ng boyfriend ko. Pero bago poi yon ay nais ko pong humingi ng tawad sa iyo Ate Jolens ng hindi ako nakaattend sa Grand Fan’s Day mo nung isang taon dahil nagpavasectomy po ako at hindi na po talaga maawat ang mga sumunod na tagpo na iyon ng aking buhay. Ate jolens hindi po ako makatulog hangga’t hindi ko nakakamit ang iyong pagpapatawad. Patawarin nyo po talaga ako nung hindi ko po kayo maipagtanggol sa mga nagsasabi na jologs daw po kayo at mukang Christmas tree dahil sa akin naman po lumilipat ang pambubuyo ng mga tao. Ate jolens patawarin nyo rin po ako nung hindi ko kayo nabati ng Happy Birthday. Sana po ay maunawaan nyo.

Itutuloy ko na po ang aking kuwento pero bago po ulet yun ay pakibati naman po ang mga magulang ko sa probinsya namin sa Antique talaga pong fan kayo nun lalo na po ni tatay, favorite nga po nya yung kanta mo na Paper Roses. Pakibati rin po yung mga kapatid ko na sina Ate Gina, Ate Mingming, Kuya Bodyi, at sa nakababata kong kapatid na sumakabilang buhay matapos uminom ng juice drink na inindorso mo. Walang hiya ka Ate Jolens, naniwala kami sa iyo pero ganun ang nangyari. Pero Ate Jolens mas matimbang ang pagmamahal namin sa iyo kaysa sa kapatid naming kaya Ate Jolens wag ka na mag-alala pinatawd ka na ng pamilya ko.

Matagal na po kami ng boyfriend ko. Mahal na mahal po namin ang isa’t isa. Natiis nya po ang aking ugali. Bago po naging kami ay may mas nauna pa po sa kanya. Sinabihan po ako nito na ang pangit daw po ng ugali ko dahil di raw po ako tuloy tuloy magkuwento. Hindi naman po yun totoo di ba Te Jolens, kung tutuusin nga po eh kino consider ko po ang sarili ko na straight to the point na tao. Napatunayan ko yun nung minsang magkakasama kami ng lahat ng miyembro ng Circle of Friends of Jolina Magdangal Quezon City Chapter sa awards night. Talagang inaway ko po yung mga taong nagsasabi na baduy daw po kayo.

Nagkakilala po kami ng aking dating boyfriend na si Renato sa isang coffee shop habang iniintay yung isa kong kaibigan na fan nyo rin po dahil balak po naming kayong puntahan sa shooting nyo ng pelikulang Puso ng Pasko. Talagang pinanood ko po yung pelikula nyo na yun pagkatapos ko pong manluhod sa mga ninong at ninang ko nung Pasko. Nakita ko nga po kayo nung premiere night sa SM North EDSA pero busy po kayo pero masaya pa rin po ang naging Pasko ko.

Yun nga po, hindi po sinasadya na natapunan ako ni Renato ng kape. Nagalit po ako nung una pero nawala din po iyon matapos nya akong ilibre ng cup cake na talagang paborito ko. Nag date na rin po kami nun. Natutunaw po ako sa mga titig nya. Di ko po mapigilang katihin dahil nilalanggam po ako dahil sa natapong kape sa damit ko, bukod pa po iyun sa kasweetan namin. Hinawakan po niya ang malalagkit kong mga kamay at hinalikan ito, lasang kape daw po at napakasarap. Di po niya alam kagagaling ko lang sa CR. Naaalala ko po tuloy yung teleserye nyo ni Kuya Marvin, yung Loves ko si Babes. Grabe po kinikilig po talaga ako sa tuwing maghahawakan kayo ng kamay. Talaga pong grabe ang pakiramdam ng mga nerves ko sa mga eksena lalo na kapag nagaasaran kayo.

Hinatid nya po ako sa bahay niya. Grabe napakalaki po ng kanyang bahay at nakilala ko na rin po ang kanyang mga magulang, sa kasamaang palad po ay nagkataong nakaburol po ang isa sa kanila. Nakakalungkot man po ay nakisalo na rin po ako sa pagkutkot nila ng mani at butong pakwan. Di na rin po naiwasan na nahatak ako sa talpakan at nakakahiya man pong aminin eh may negosyo po kami ng pasugalan sa probinsya. Kinanta ko rin po sa videoke ang theme song namin ni Renato sa videooke, ang Tsubatsutsu, sabay pa po kaming humahataw habang kinakanta yan.

Ate Jolens natulog po ako sa kwarto nya nung gabi nay un. Pagod na pagod po ako kababalasa ng baraha at nung gabi pong iyon ay siya naman po Ate Jolens ang binalasa ko. Binigay ko na po ang sarili ko sa kanya, ang buo ko pong pagkatao, gayundin po ang aking kaluluwa. Hindi ko po makalimutan ang gabing iyon dahil napakasakit po pala talaga pag first time. Nakakahiya man po eh first time din po ni Renato, kaya nanood po muna kami ng demo tape bago po namin isinagawa ang aming pagtatalik. Aaminin ko po Ate Jolens nabitin po ako. Masyado po kasing naging mabilis ang mga pangyayari. Nakatulog na po ako ng hindi ko namalayan.

Napakaganda po ng aking gising kinaumagahan. Napakalambot po ng hinihigaan ko at sinorpresa po niya ako dahil napapaligiran ako ng mga bulaklak at maraming ilaw.dib a po napakasweet non Ate Jolens? Grabe, kompleto po ang buong pamilya. Pagbangon ko late ko na pong narealize na katabi ko na po pala ang mama niya sa kabaong. Agad po akong bumangon. Nakalimutan ko po rin palang Magbihis kaya di sinasadyang hiniram ko po muna ang suot na Filipiniana ng kanyng mama. Kahiya hiya po talaga pero okey lang po. Inisip ko na lang po kung paano nyo hinarap ang mga intriga sa iyo lalo na nung nagdesisyon kayong lumipat sa Channel 7.

Naaalala ko rin po Ate Jolens nung nanood kami ng sine. Patawarin nyo po ako dahil pelikula ni Juday ang pinapanood naming nun, Esperanza. Kumakain po ng popcorn. Grabe ang ganda ng pelikula. Hinalikan po niya ako kasabay po ng kissing scene ni Juday at ni Wowee de Guzman. Niyakap po niya ako dahil nilalamig po ako, nakatapat po kasi yung air con sa muka ko. Grabe po napaka sweet namin. Natapos na po ang pelikula at bumukas na ang ilaw. Nagulat po ako na iba po ang katabi ko, sabay pagdating ni Renato na humihingi ng pasensya dahil hindi nakapagpaalam na nag CR pala. Nagulat din po ang lalaking napagkamalan kong si Renato. Umalis na sya at pinilit na lamang po naming na itago ang aming lihim.

Kumain po kami ni Renato sa Jollibee pagkatapos. Natuwa po talaga ako sa kanya dahil may baon na po pala siyang spaghetti na binili niya sa carinderya ni Mang Boy at may coke sakto pa. lagi talagang handa si Renato dahil may dala rin siyang abrelata. Enjoy po ako habang nagsusubuan po kami ng spaghetti. Napakahirap nga lang pong kumain ng spaghetti dahil wala kaming kutsara at tinidor. Naghugas na lang po kami ng kamay sa may CR.

Marami pa po kaming pinagsamahan grabe naka 23 days din po kami. Isang araw po ay pinili na nyang makipaghiwalay sa akin. Huminto po ang aking daigdig. Umiyak po ako ng bonggang bongga. Iniwan na niya po ako Ate Jolens. Di ko po alam ang gagawin ko! Gumuho po ang mundo ko sa aming paghihiwalay. Di ko po lubos maisip na mawawala na siya sa buhay ko. Napakahaba po ng aming mga pinagsamahan at di na po alam kung paano mabubuhay muli ng hindi siya kasama.

Nag abroad po ako para makag unwind. Bumalik din po ako agad sa Pilipinas para manood ng premiere night ng pelikula mong ITALY.

Nakilala ko na po ang lalaking akin pinakasalan ng minsang dumalaw ako sa GMA Network. Nagkabanggaan po kami, pero nagtataka lang po ako kasi parang kilala niya kayo. Grabe po Ate Jolens, nakipaghiwalay po siya sa girlfriend nya for 6 years para lang po sa akin di ba po Ate Jolens napaka sweet po niya. Ang cute din po ng nunal niya. Hadlang man po ang mundo sa aming pagmamahalan ay lumayo na lang po kami at nanirahan sa Thailand. Masaya na po kami ngayon Ate Jolens. Mayroon na po kaming mga anak na ipinangalan namin sa inyong dalawa ni Kuya Marvin. Marami pong pasasalamat Ate Jolens sa pakikinig sa kuwento ng aking buhay.

Hanggang sa muli po .

Ako nga po pala si Minda Munoz. Ang Asawa ko po ay si Bebong Munoz. Pasensya na po Ate Jolens akin na po siya ngayon.

No comments:

Post a Comment

what can you say about my blogs?

Search This Blog

Followers